By A Web Design Company

Hagdan Bato, angat sa TCC

  • PDF

Source: Balita

Pinapaboran pa rin ng "Bayang Karerista" ang alaga ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos na Hagdan Bato sa nalalapit na 2nd Leg Triple Crown Championship sa bakuran ng Santa Ana Park sa Naic Cavite.

Pinagbatayan ng mga mananaya ang impresibong panalo ng Hagdan Bato sa unang yugto ng TCC na ginanap noong Mayo 20 sa naturang karerahan matapos makipagpukpukan sa mahigpit na kalaban na Humble Riches.

Ang Hagdan Bato ay naorasan gn 1 minuto at 39 segundo para sa distansiyang 1,600 meters kumpara sa Hopeful Stakes race winner na Golden Empire na naorasan naman ng 1 minuto at 41 segundo sa kaparehong distansiya.

Nagpahayag naman si Mayor Abalos na malaki ang kanyang paniniwala na masusungkit nila ang 2nd Leg ng TCC kung ang huling record at ipinakitang husay ng kanyang alaga ang pagbabatayan.

"Kung papalarin, baka masungkit muli ang 2nd leg dahil tiwala ako sa huling tiyempo ng alaga ko, na ikinagulat ko", pahayag ni Abalos.

Tatawirin ng mga kalahok ang distansiyang 1,800 meters na higit na mahaba sa naunang laban.

Bukod sa Golden Empire, makakalaban din ng Hagdan Bato ang pito pang kalahok na Angat ang PInoy, Chevrome, Humble Riches, Patrol, Purple Ribbon at Steel Creation.

Naghihintay ang P1.8 milyon na premyo sa tatanghaling kampeon. Ilang karerista ang hiningan natin ng reaksiyon sa huling pagkakapanalo ng Hagdan Bato na halos iisa lamang ang isnabi na lubhang napakagaling ng Hagdan Bato ni Mayor Abalos.

Ayon kay Tony Moncada ng La Trinidad Subdivision Talipapa, Quezon City, nakapusta pa rin siya sa alaga ni Abalos ngunit tatapunan din niya ang Steel Creation na pumangalawa sa 1st leg ng Triple Crown.

Last Updated on Wednesday, 13 June 2012 09:47