By A Web Design Company

TCC, hahataw sa Mayo 20

  • PDF

BALITA – April 20, 2012

Itinakda na ng Philippine Racing Commission (Philracom) ang unang yugto ng 2012 Triple Crown Championship series sa Mayo 20. Ayon kay Philracom Chairman Angel Castano, sa bakuran ng Philippine Racing Club, Inc. (PRCI), tagapangasiwa ng Santa Ana Park sa Naic, Cavite, ang 1st leg ng Triple Crown Stakes Race. Aabot sa P3 milyon ang nakalaang premyo sa naturang karera. Pagkakalooban ng P1.8 milyon at tropeo ang tatanghaling kampeon habang P675,000 sa 2nd placer, P375,000 sa 3rd placer at P150,000 sa 4th .

Inaasahang mapapabilang na mga lalahok sa naturang karera ang Humble Riches, Hagdang Bato, Patron at Cheese Blanca. Ang mga nabanggit na mananakbo ang tinatayang mahigpit na maglalaban sa unang yugto ng TCC na tatawid sa distansiyang 1,600 meters. Posibleng magkaroon ng malaking pagbabago pa sa mga natalo sa nakaraang Diamond 2 at 3 dahil mahaba pa ang gagawing preparasyon ng mga lalahok sa prestihiyosong pakarera ng Philracom.

Bago ang TCC, unang bibitawan ang 2012 Philracom Hopeful Stakes race sa Mayo 19 sa naturang karerahan. Tumataginting na P1 milyon ang nakalaang premyo sa naturang karera na paglalabanan ng 3-Year-Old Fillies at Colts divisions. Taunang isinasagawa ang Hopeful Stakes race kasabay ng Triple Crown Championship series.

 

 

Last Updated on Monday, 23 April 2012 10:21