By A Web Design Company

Barkley, pinapaboran sa Freedom Cup

  • PDF

Source: Balita

Sa sampung kalahok na maghaharap sa nalalapit na pakarera ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) magsisilbing banta ang alaga ni Mandaluyong Mayor Benhur C. Abalos sa Freedom Cup sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Ang Freedom Cup ay nakatakdang bitawan sa darating na Pebrero 25 na lalahukan ng mga local runner at pawang tinaguriang mga kampeon.

Ayon sa mga miron, ang alaga ni Mayor Abalos na Barkley ang nakikita nilang malaking banta sa pakarera ng PCSO laban sa iba pang kalahok na couple entry ni dating BIR Commissioner Atty. Sixto S. Esquivias IV na Cheese Mosa at Arvin Dugo, Go Army ni Hermie Esguerra, Wind Turbulance ni Dominic Francisco at Money Queen ni Emmanuel King Jr.

Nariyan din ang couple entry ni Rita Pilapil na Heaven Sent at Joshua's Laughter, Yes Pogi ng Francis G. Lim stable at The Rock na binili ni Nathaniel Velasco.

May nakalaang premyo na P.5 milyon sa buwenamanong pakarera ng PCSO sa 2012

Ang PCSO Freedom Cup ay bahagi ng paggunita sa anibersaryo ng makasaysayang EDSA 1 na nagluklok sa poder ni dating Pangulong Cory Aquino.

Bago ang Freedom Cup, unang matutunghayan ng "Batang Karerista" ang 2012 Amethyst Stakes race na pakarera ng Philippine Racing Commission (Philracom) na gaganapin sa dalawang pangunahing karerahan na San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite at Santa Ana Park sa Naic.

Unang matutunghayan ng publiko ang Amethyst 1 para sa 2nd Leg Imported Local Challenge race sa Pebrero 12 sa karerahan ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI) sa Naic.

Ang mga kalahok ay tatawid sa distansiyang 1,700 meters na pangungunahan ng Juggling Act, Gentle Irony, Doña Nenita, Forever My Love, Indy Hay, Merry, Milano, Next Big Thing, Rain Shower, at Take Me Tonight.

Agad naman isusunod sa Pebrero 18 ang Amethyst 2 na paglalabanan ng 3-year-old Fillies at Amethyst 3 sa Pebrero 19 na paglalabanan ng 3-year-old Colts kung saan ay tatawid ang mga ito sa distansiyang 1,600 meters sa San Lazaro Leisure Park.