By A Web Design Company

Chairman Castano: Pagpapaunlad ng karera

  • PDF

Jan. 29, 2012 - Sunday Tonite

ANG malaking papel na ginagampanan ng mga board of stewards ay tiyak na mabibigyan ng pansin sa ilalim ng bagong pamahalaan ng Philippine Racing Commission.

Ang ito ang sinabi ni Philracom chairman Jun Castano nang makapanayam ng Abante Tonite noong Biyernes sa kanyang opisina sa Makati.

"Malaki ang papel na ginagampanan ng ating board of stewards sa tuwing may karera kaya naman ito ang binibigyan ng matinding atensyon," ang sabi pa ni Chairman Castano, na pumalit noong isang taon sa dating chairman na si Jose Ferdinand Rojas II.

Idinagdag niya na ang kredibilidad ng karera ay nakasalalay sa mga nasabing miyembro ng board of stewards ng magkabilang karerahan.

"Kapag maganda ang palakad ng ating mga stewards, diretso ang lahat ng kalakaran sa karerahan. Lahat ay susunod sa mga regulasyon at mga rules ng karera. Magsisilbi itong tulay para sa kredibilidad na gusto ng mga mananaya," dagdag pa ni Chairman Castano.

Si Chairman Castano mismo ay naging chairman ng board of stewards nang ang Manila Jockey Club ay naninirahan pa sa dati nitong lugar sa San Lazaro Hippodrome sa Tayuman sa Maynila.

Kaya naman una niyang inasikaso sa pagpasok ng kanyang bagong administrasyon ang pagsasaayos ng mga kalakaran sa karerahan.

Maraming tiwaling mga players ng karerahan ang nagbago sa kanilang mga maling ginagawa habang ang iba naman ay nabigyan ng mga kaukulang parusa.

Sinabi pa ni Chairman Castano na maraming mga mahuhusay at eksperto sa karera ang ngayo'y tumutulong sa kanyang administrasyon para sa pagpapaganda ng karera sa bansa.

"Nagpapasalamat ako sa tulong na ibinibigay ng ating mga kasama sa karera para mapaunlad pa natin ang karera sa bansa. Marami pa tayong gagawin at dahan-dahan natin itong maiimplemento sa mga susunod pang mga araw," sabi ni Chairman Castano.

Tungkol naman sa pagtatanggal ng mga karera tuwing Huwebes, sinabi ni Chairman Castano na pansamantala lang naman ito.

"Experimental lang naman yan at isang buwan lang mana tatagal. Kung makatutulong ba naman ito sa ating karera o hindi ay malalaman natin. Ang magiging resulta niyan an gating pagbabasehan para sa mas maganda pang pagpapalakad ng karera sa bansa," dagdag pa niya.

Pinasimulan nitong nakaraang Huwebes ang pagkansela sa night racing bilang alinsunod sa isang board resolution na ipinalabas ng Philracom noong nakaraang Disyembre at ito'y magtatapos sa Pebrero 16.

Magkakaroon muli ng isang buwan pagkansela ng Thursday night racing ngayong Abril.

Last Updated on Tuesday, 31 January 2012 08:58